Sabado, Oktubre 29, 2016

Time Travel

(Oktubre 29, 2016)

May mga madaling-araw sa buhay mo na pansamantala kang mahihilo at magta-time travel ang kamalayan. Aakalain mong Nobyembre na at magigitla kang mapapansin na Oktubre pa rin ang mga petsang nakatatak sa excel sheet na ini-edit mo. Magpa-panic ka at madaliang papalitan ang mga Oktubre ng Nobyembre, hanggang sa matauhan ka at mapagtantong hindi ka naman pala talaga nag-time travel noong mga sandaling iyon at tama naman na Oktubre pa rin talaga.

Siguro, may naligaw lang na kung anung compound sa Lipovitan na iniinom mo kanina.

Burador

(Oktubre 27, 2016)

May mga madaling-araw sa buhay mo na kahit naghahabol ka ng oras sa trabaho, may isang sulok ng utak mo na hindi pinatatahimik ng mga nangyayari sa paligid mo at mapapasulat ka ng burador ng isang tula.

Piano Tiles

(Oktubre 17, 2016)

May mga madaling-araw sa buhay mo na maglalaro ka ng Piano Tiles hindi para aliwin ang sarili kundi para pagurin ang mga mata at utak dahil kelangan mong gumising nang maaga sa umaga.